Tandang tanda ko pa nung unang beses mong binaggit sa akin ang salitang mahal kita sa ilalim ng kalangitan, kasama ang maliwanag na buwan at mga nagniningning na mga bituin. Naalala ko pa kung paano mo ito sambitin sa harapan ko, puno ng pagmamahal, puno ng emosyon, puno ng pwersa. Pwersa na kung saan nagagawa nitong pa-ikutin at patigilin ang aking mundo, pwersa ng unibersa na kayang baguhin ang kapaligiran. Sa harapan ng mga puno’t mga alitaptap, sa malalim na gabi at malamig na simoy ng hangin, doon ko unang narinig ang salitang mahal kita. Isang gabing puno ng tamis at pag-ibig. Ang pag-agos ng aking luha’y dala ng sobrang kaligayahan. Labis akong namangha sa kapangyarihan ng buwan at mga bituin. Labis akong naniwala sa paghiling sa mga bulalakaw. Buong buo ang tiwala ko sa pag-ibig at mga salita nito, labis akong naniwala sa mahikang nalilikha ng salitang “mahal kita” at maging ang aking puso’t isipa’y naniniwala sa mga ito. Sa bawat pagtibok ng puso ko at bawat pangrap ng aking isipan, alam ko, at nararamdaman ko, sa bawat letra, sa bawat pagbigkas mo ng mga salita, mahal kita ang paborito ko. Ngunit sa kabila ng bawat saya at pag-ibig, labis ring pighati ang aking mararanasan. Isang napakasakit na karanasan ang umibig, na sa tuwing babanggitin ang salitang mahal kita, ay isang saksak sa puso ko. Isang kamatayan, pighati sa loob. Bakit? Sinira mo ang kahulugan na salitang mahal kita. Na sa bawat pagbanggit mo nito ay pait, sakit, at pighati ang naaalala ko. Sa likod ng bawat tamis ng salitang ito ay may pait, at sa likod ng ligaya, ay may sakit. Minsan rin akong naniwala sa paghiling sa mga bulalakaw, minsan rin akong naniwala sa kapangyarihan ng buwan at mga bituin, minsan rin ako naniwala sa mahika sa mga salita na nilikha ng pag-ibig, minsan rin akong naniwala sa pag-ibig. Pero sumuko na ako, sumuko na ako sa atin. Ang tanging papel na lamang ng puso ko ay ang panatilihin akong buhay, na sa bawat pagtibok nito’y ay pagdaloy na lamang ng dugo sa aking katawan. Dahil hindi ko na alam ang pakiramdam ng magmahal at mahalin, at ang salitang mahal kita ay isa na lamang salita na walang halaga. Tignan mo, at pagmasdan, kung paano ako sinira ng pag-ibig. At kung paano ako patayin ng salitang mahal kita.

Advertisements